DAVAO CITY – Kagaya noong nakaraang taon, sinungkit muli ng tinaguriang “Barefoot Runner” ng Camarines Sur ang unang gold medal ng Palarong Pambansang 2019 sa University of Mindanao sa lungsod ng Davao.
Nadepensahan kasi ng ninth grader na si Lheslie de Lima ang kanyang korona sa 3,000-meters ng secondary girls.
Naging mahigpit na katunggali ni De Lima si Camilla Tobiano ng Region 10, na siya namang nakadagit ng silver medal, habang taga-Mimaropa ang nakatanso.
Noong Palaro 2018 sa Ilocos Sur nang siya rin ang nagreyna sa nasabing event makaraang magtala ng 10:06.54, tatlong segundong mas mababa sa record ni 2015 champion Meagey Ninura ng Davao Region.
Ayon sa 14-anyos na Baao, Camarines Sur native, pangunahin sa kanyang inspirasyon ang kanyang pamilya, partikular ang kanyang mga magulang.
Inamin din ni De Lima na kinukuha siya ng isang malaking unibersidad sa lungsod ng Maynila, ngunit hindi niya raw ito tinanggap.
Sa Miyerkules ay sasabak uli sa takbuhan si Lheslie kung saan lalahok ito sa 1,500-meter event.