Hindi pa rin nagpaawat ang tinaguriang “Barefoot Runner” ng Camarines Sur at kanyang hinablot ang ikalawa nitong gintong medalya sa ikatlong araw ng Palarong Pambansa 2019.
Nagreyna sa 1,500-meter girls ang ninth grader na si Lheslie de Lima na tubong Baao, Camarines Sur.
Nitong Lunes nang masungkit din ni De Lima ang unang gold medal ng Palaro 2019 nang magkampeon ito sa 3,000-meters ng secondary girls.
Noong Palaro 2018 sa Ilocos Sur nang siya rin ang nagreyna sa nasabing event makaraang magtala ng 10:06.54, tatlong segundong mas mababa sa record ni 2015 champion Meagey Ninura ng Davao region.
Ayon sa 14-anyos na atleta, pangunahin sa kanyang inspirasyon ang kanyang pamilya, partikular ang kanyang mga magulang.
Inamin din ni De Lima na kinukuha siya ng isang malaking unibersidad sa lungsod ng Maynila, ngunit hindi niya raw ito tinanggap.