NAGA CITY- Kinumpirma ngayon ni Department of Education (DepEd) Regional Director Gilbert Sadsad, na dalawang atleta mula sa Bicol Delegation ang planong isabak sa Asian games.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Sadsad, sinabi nitong may nakarating sa kanyang impormasyon na planong isabak sa naturang international competition si Lheslie De Lima matapos ang magkakasunod na gold medal na nasungkit nito mula sa iba’t ibang categorya sa pagtakbo.
Ngunit ayon kay Sadsad, sakaling matuloy ang naturang plano, kailangang ipasailalim sa training si De Lima habang nakasuot ng sapatos dahil baka hindi ito payagang tumakbo ng nakapaa sa international event.
Samantala, maliban sa ‘barefoot runner’ ng CamSur, nasabihan na rin umano si Sadsad na posibleng makasama rin sa international game si Jasmin Bombita ng Sorsogon matapos magtala ng panibagong records sa secondary girls triple jump (12.46-m).
Kaugnay nito, tiniyak ni Sadsad na saan man makarating ang naturang mga atleta, buo aniya ang ibibigay na suporta kan DepEd para sa mga ito.