Nagpamalas muli ng bigay-todong takbo ang binansagang “Barefoot Runner” ng Camarines Sur upang madagit ang kanyang ikatlong gintong medalya sa Palarong Pambansa 2019.
Nagreyna kasi ang ninth grader na si Lheslie de Lima ng bayan ng Baao sa nasabing lalawigan ang kampeonato sa 800-meter run girls.
Una nang sinungkit ni De Lima ang gold medals sa long distance events, partikular sa 3,000-meters at 1,500-meters.
Noong Palaro 2018 sa Ilocos Sur nang siya rin ang nagreyna sa 3,000-meters makaraang magtala ng 10:06.54, tatlong segundong mas mababa sa record ni 2015 champion Meagey Ninura ng Davao Region.
Ayon sa 14-anyos na atleta, pangunahin sa kanyang inspirasyon ang kanyang pamilya, partikular ang kanyang mga magulang.
Inamin din ni De Lima na kinukuha siya ng isang malaking unibersidad sa lungsod ng Maynila, ngunit hindi niya raw ito tinanggap.