BUTUAN CITY – Patuloy pang inalam ng Municipal Agriculture’s Office sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte kabuu-ang danyos na hatid ng sumadsad na barge na pag-aari ng Miling Shipping Company at kinontrata ng Agatha mining company sa fish sanctuary ng Brgy. Manapa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Municipal Agriculture officer Clyde Chavez na naghihintay pa siya sa itatakdang assessment ng taga-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Caraga na syang may kapasidad na magkwenta ng mga nasisirang corals at habitat ng mga isda dahil sa nasabing insidente.
Matatandaang nagulat na lamang sila nitong nakaraang araw nang makitang sumadsad na ito sa fish sanctuary na may lawak na 25-libong ektarya matapos umanong paghahampasin ng naglalakihang alon na hatid ng bagyong Maring.
Sa kanyang pakikipag-usap sa kapitan ng bako, inihayag nitong dumaong lamang sila na walang alam na fish sanctuary na pala ito sa kabila na kai-install pa lamang nila ng mga solar-powered na mga buya na syang magbibigay ilaw sa paligid nito.
Inaashang maa-assess na nila ngayong linggo ang danyos na hatid ng nasabing insidente kungsaan sasama sa kanila at ng taga-BFAR ang diving team naman ng Agatha mining company.
Handa umanong sasagutin ng mining company ang danyos ng nasabing insidente.