BACOLOD CITY – Aakyat bukas, Pebrero 27, ang mga quarantine officers ng Negros Occidental sa barko mula China na nakaangkla malapit sa pantalan ng Bacolod.
Sa impormasyon mula sa Philippine Coast Guard (PCG), kagabi dumating sa Bacolod ang Panamian-flagged cargo vessel ngunit hindi ito pinahintulutang maka-dock dahil sa pangamba sa Coronavirus Disease (COVID)-19.
Sa ngayon, naka-anchor ang MV Unicorn Bravo na may distansya sa BREDCO Port alinsunod sa ibinibigay sa kanila na designated anchorage.
Ayon kay Dr. Sebastian Tabuga, medical quarantine officer ng Negros Occidental, aakyat sila sa barko upang tingnan ang mga crew nito kung may sintomas ng COVID-19.
Ang cargo vessel ay may 19 na crew kung saan 15 rito ang Chinese habang apat ang mula sa Myanmar.
Lulan din ng MV Unicorn Bravo ang ammonium sulphate at Xiamen, China ang huling “port of call” nito.