CAGAYAN DE ORO CITY – Sasaksihan ng publiko at environmental groups ang pagkarga ng container van na puno ng electronic waste materials patungo sa barko na nagmula sa Hong Kong.
Isasagawa ito sa Mindanao Container Terminal (MCT) sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental sa araw na Lunes ng umaga.
Ito ay matapos mapagkasunduan ng Bureau of Customs (BoC) at environmental bureau ng Hong Kong na kukunin na ang naipuslit na basura na nakapasok sa Misamis Oriental noong huling linggo ng Pebrero 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni MCT Collector John Simon na kabilang sa sasaksi ay ang Ecowaste Coalition at Greenpeace na dati nang nakatutok sa kontrobersiyal na pagpasok ng mga basura sa lalawigan.
Sinabi ni Simon na kumilos na rin ang Hong Kong government at iniimbestigahan na ang kompanya na nasa likod ng pagpapadala ng mga basura na unang inilarawan na mas mapanganib kumpara sa mga imported waste mula sa South Korea at Australia.
Magugunitang nagpasalamat na rin ang BoC-Northern Mindanao sa naging pahayag ng Malacanang na pagpuri nito sa mga hakbang para mapigilan ang paglutangan ng mga basura sa lalawigan simula nang madiskubre ito sa taong 2018 hanggang sa kasalukuyan.