LEGAZPI CITY – Pahirapan ang naging pag-rescue sa isang barko na bumiyahe mula sa Masbate na humambalang sa pantalan ng Pio Duran, Albay mula pa noong gabi ng Lunes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Noel Ordoña, hirap na makadaong ang naturang barko mula pa kagabi dahil sa lakas ng alon.
Kaninang umaga, muling sinubukan na itabi ang barko subalit dahil malalaki pa ang mga alon bigo pa rin ang mga crew.
Nagdesisyon ang mga tripulante na maunang maibaba ang nasa 50 pasahero at ilan pang kargamento.
Hinatak na lamang ito ng isa pang barko upang mapigilan ang patuloy na paghampas ng mahabang katawan nito sa daungan.
Matagumpay naman na naisagawa ang rescue efforts sa 18 trucks at mga kargang nasa 50 baka.
Samantala, inabisuhan na rin ang mga maliliit na sasakyang-pandagat na huwag na munang pumalaot dahil sa pinaigting na Hanging Habagat ng umiiral na sama ng panahon.