Nagtamo ng maliit na pinsala ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagsasagawa ng routine maritime patrol malapit sa Pag-asa Island matapos gitgitin at banggain ng Chinese maritime militia (CMM) vessel.
Kinumpirma ito ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources nitong Martes, Oktubre 15.
Naganap ang naturang panibagong engkwentro sa West Philippine Sea habang papalapit ang BRP Datu Cabaylo sa Pag-asa Cay 4, na matatagpuan 5 nautical miles lamang mula sa Pag-asa Island, bandang 7:45 ng umaga noong Biyernes, Oktubre 11.
Ayon sa BFAR, nagsagawa ng delikadong maniobra ang barko ng CMM at tinangkang harangan ang dinaraanan ng patrol boat ng Pilipinas na humantong sa pagbangga sa starboard bow ng BRP Datu Cabaylo.
Nagresulta ito ng pagkayupi ng starboard bow ng BFAR vessel ngunit naipagpatuloy pa rin nito kasama ang BRP Datu Sanday ang kanilang misyon at ligtas na nakadaong sa Pag-asa Sheltered Port.
Sa kabila naman ng panibagong pangha-harass ng Chinese vessel, nanindigan ang BFAR na tuloy ang kanilang pagpapatroliya sa WPS.
Pinuri din ng ahensiya ang katatagan ng mga crew ng BRP Datu Cabaylo sa paninindigan sa territorial rights ng PH sa gitna ng tumitinding komprontasyon sa WPS.
Matatandaan na ang parehong mga barko din ng BFAR ang binugahan ng tubig ng Chinese Coast Guard vessels noong Oktubre 8 malapit sa Scarborough shoal sa WPS sa pagtatangkang harangin ang mga barko ng PH mula sa paghahatid ng mga suplay para sa mga Pilipinong mangingisda na nandoon sa naturang karagatan.