Muli nasangkot sa collision o banggaan ang barko ng China at Pilipinas sa pagkakataong ito malapit sa Escoda shoal sa West Philippine Sea ngayong araw ng Lunes, Agosto 19.
Sa isang statement, inakusahan ni China Coast Guard spokesperson Gan Yu ang mga barko ng Philippine Coast Guard na BRP Bagacay at BRP Cape Engaño na ilegal umanong pumasok sa lugar nang walang pahintulot mula sa China.
Pinaratangan din nito ang BRP Bagacay na sinadya umano nitong binangga ang barko ng CCG 21551.
Aniya, dakong alas-3:24 ng umaga, makailang ulit ng nag-isyu ng warning ang panig ng China subalit binalewala umano ito ng PCG vessel at sinadyang binangga ang Chinese vessel na nagresulta umano sa collision.
Samantala, ayon naman kay US maritime security expert Ray Powell, sa nakalipas na mga linggo, nagpapahiwatig na ng intensiyon ang China para agresibong pigilan ang anumang mga misyon ng Pilipinas sa Sabina shoal kung saan naka-istasyon ang BRP Teresa Magbanua simula pa noong Abril para magbantay sa shoal, bagay na iprinotesta naman kamakailan ng China.
Nangyari naman ang panibagong insidente sa WPS sa kabila pa ng panibagong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China na naglalayong pahupain ang tensiyon sa pagitan ng 2 bansa.