Nagsagawa ng mapanganib na pagharang ang China Coast Guard (CCG) 21612 laban sa BRP Cabra habang nagpapatroliya ito malapit sa Bajo de Masinloc nitong araw ng Lunes, Abril 14.
Sa isang statement, iniulat ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela na nagpaandar ng mabilis ang CCG vessel saka nagmaniobra at dumaan sa may port side ng BRP Cabra, na mapanganib na humarang sa ruta nito.
Nangyari ang insidente sa bisinidad sa 132.97 nautical miles (NM) ng kanlurang timog-kanluran ng Capon Grande sa Zambales o tinatayang 36.35 NM sa timog ng Bajo de Masinloc.
Ayon sa opisyal, nagpapakita ang insidente ng paglabag ng CCG sa International Regulations for Preventing Collisions at Sea at lantarang pagbalewala sa kaligtasan sa karagatan.
Nagpalitan din ng radio challenge ang CCG vessel at BRP Cabra.
Samantala, ngayong araw, Abril 15, aktibong nagpatroliya sa may baybayin ng Zambales ang BRP Cabra sa ilalim ng command ni Lieutenant Commander Hanna Yanez, isang female skipper, para pigilan ang mga pagtatangka ng CCG na gawing normal ang kanilang mga iligal na pagpapatroliya sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas .
Sa kabila nito, kahit ‘di hamak na mas malaki ang naturang barko ng China sa BRP Cabra, iginiit ni PCG commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na pinapalakas ng international law ang ating barko na patuloy na magpatroliya nang walang takot. Ang kumpiyansang ito aniya ay nagbibigay ng pagkakataon sa BRP Cabra para hamunin ang CCG, na naglalantad sa kanilang hindi makatarungang aksiyon at bullying tactics sa international community.