Iniulat ng China Coast Guard na nagkabanggaan ang barko ng Pilipinas at China sa Ayungin shoal na isang submerged reef sa may Spratly Islands sa West Philippine Sea ngayong araw ng Lunes, Hunyo 17.
Sa inilabas na statement ng CCG, binalewala umano ng resupply ship ng Pilipinas ang maraming beses na babala mula sa panig ng China.
Inakusahan din nito ang barko ng PH na lumapit sa unprofessional na paraan na nagresulta umano sa banggaan.
Pinaratangan din ng CCG ang barko ng PH na ilegal umanong pumasok sa karagatan malapit sa Ayungin shoal sa Spratly Islands.
Saad pa ng CCG na nagsagawa umano ito ng control measures laban sa barko ng PH alinsunod sa batas.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang panig ng PH kaugnay sa pinakabagong insidente sa Ayungin shoal sa WPS na saklaw ng EEZ ng ating bansa.