Binombahan ng water cannon ng dalawang beses at ginitgit ng China Coast Guard 3302 ang BFAR vessel na BRP Datu Pagbuaya habang nagsasagawa ng routine maritime patrol kasama ang PCG sa bisinidad ng Bajo de Masinloc para suportahan ang mga Pilipinong mangingisda na nangingisda sa lugar.
Kinumpirma ito ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Comm. Jay Tarriela sa kaniyang X account kung saan sa kasagsagan aniya ng naturang operasyon, nakaengkwentro ang mga barko ng PH ng agresibong mga aksiyon mula sa apat na China Coast Guard vessels at dalawang People’s Liberation Army Navy.
Nangyari ang unang pagbomba ng tubig ng CCG sa BRP Datu Pagbuaya kaninang alas-6:30 ng umaga ngayong Miyerkules, Disyembre 4. Itinutok ng CCG ang water cannon nito sa navigational antenna ng BRP Datu Pagbuaya saka sinundan ng intensiyonal na paggitgit sa straboard side ng ating barko. Ilang sandali pa, bandang alas-6:55 ng umaga, dito na nagpakawala ang parehong CCG vessel ng ikalawang ater cannon attack sa BRP Datu Pagbuaya.
Gayundin, binuntutan, hinarang at naka-engkwentro ng mapanganib na mga maniobra ang iba pang barko ng PCG kabilang ang BRP Teresa Magbanua mula sa PLA Navy vessel 500 at CCG 503 habang ang BRP Cabra naman ay nakaranas din ng mapanganib na manibora mula sa CCG 3104 sa distansiyang 300 yarda.
Sa kabila naman ng panibagong insidente, pingtibay ng PCG at BFAR ng kanilang commitment para protektahan ang mga karapatan at kaligtasan ng ating mga kababayang mangingisda sa loob ng ating hurisdiskiyon. Ipagpapatuloy din anila ang pagiging vigilant sa pagprotekta ng ating pambansang interes sa West Philippine Sea (WPS).