-- Advertisements --

Dumating na sa Pilipinas ang ilang mga miyembro at opisyal ng Vietnam Coast Guard para sa isasagawang joint exercise.

Ang mga ito ay sakay ng 90-meter ship na CSB 8002 at binubuo ng kabuuang 80 coast guard member sa pangunguna ni commander Col. Hoang Quoc Dat.

Sa nakatakdang joint exercise ng dalawang bansa, isasagawa ng mga ito ang joint search and rescue drills, fire drill, at explosion contingency drill.

Magsisilbing venue ang Manila Bay at ang western coast ng Northern Philippines na direktang nakaharap sa West Phil Sea.

Sa naging pahayag ni Col. Dat, sinabi nitong ang pagtungo ng Vietnamese CG dito sa Pilipinas ay bahagi ng pagnanais nitong mapagtibay ang kooperasyon ng dalawa.

Ito ay bahagi aniya ng promosyon ng episyenteng palitan ng mga impormasyon at koordinasyon sa mga maritime law enforcement activities salig sa international law.

Ang naturang kolaborasyon, ayon kay Col. Dat ay inaasahang makakatulong para mapanatili ang preservation at protection ng maritime security at safety sa naturang rehiyon.

Maalalang ang Vietnam at Pilipinas ay dalawa sa mga claimant sa mga maritime feature sa WPS kasama ang CHina, atbpang mga Southeast Asian countries.

Gayunpaman, nananatili ang magandang alyansa ng dalawang bansa kung saan dati na ring nagkaroon ng iba pang mga joint maritime exercises ang mga ito.

Huling nagkaroon ng ‘goodwill engagement’ sa pagitan ng dalawang bansa ay noong nakalipas na buwan kung saan nagkaroon ng friendly sports competition ang mga navy forces ng dalawa sa inookupa ng Vietnam na Southwest Cay sa WPS.

Sa naturang kompetisyon ay naglaro ang mga navy personnel ng volleyball, football, at tug-of-war.