Agad nagsagawa ng patrol operations sa Escoda Shoal ang barkong ipinalit sa BRP Teresa Magbanoa, ayon sa Philippine Coast Guard.
Bagaman hindi pa pinapangalanan ang naturang barko, sinabi ni PCG spokesperson, Rear Admiral Armand Balilo na nagsagawa na ng ilang serye ng patrol operations ang naturang barko sa palibot ng bahura.
Ayon kay Balilo, tuloy-tuloy ang isasagawang patrol operations upang matiyak na hindi mapapabayaan ang Escoda.
Una nang sinabi ng PCG na may ilang mga Chinese vessel na nagkumpulan sa Escoda Shoal at mistulang nag-aabang umano sa posibleng pagdating ng kapalit ng Magbanua.
Gayonpaman, pinatay umano ng ipinalit na barko ang automatic identification systems (AIS) transponder nito habang papalapit sa bahura hanggang sa tuluyang makapasok dito.
Maalalang sinabi rin ni National Maritime Council spokesperson Vice Admiral Alexander Lopez na hindi na i-aanunsyo ng bansa ang mga ship detail na ipapadala sa naturang lugar upang maiwasan ang tuloy-tuloy na pagharang ng China.