Hinimok ni Bangsamoro Interim Chief Minister Ahod Ebrahim ang mga mamamayan na ipagpatuloy ang panalangin at gawaing para sa kapayapaan hindi lamang ngayong Ramadan kundi sa buong taon.
Ayon sa kanyang mensahe sa unang araw ng pag-aayuno, ipinagdarasal niya ang kapayapaan hindi lang sa Bangsamoro kundi sa buong mundo, at hinihikayat ang bawat isa na magsakripisyo at magbigay ng tulong sa mga kapus-palad.
Binanggit ni Ebrahim na kasalukuyang kinahaharap ng rehiyon ang ilang hamon tulad ng paghihiwalay ng Sulu sa regional bureaucracy at ang nalalapit na kauna-unahang parliamentary elections.
Bilang suporta sa mga relihiyosong gawain ngayong banal na buwan, iniutos ni Ebrahim ang pagbabago ng oras ng trabaho para sa mga empleyado sa lahat ng BARMM ministries, offices, at agencies.
Sa bisa ng Presidential Decree 291 at alinsunod sa mga resolusyon ng Civil Service Commission, ang bagong oras ng trabaho ay mula 7:30 a.m. hanggang 3:30 p.m., layunin nitong magbigay-daan sa mga opisyal at empleyadong Muslim na maisakatuparan ang kanilang mga tungkulin sa kanilang relihiyon habang naaabot pa rin ang kinakailangang 40-oras na lingguhang trabaho.
Samantala, pinaalalahanan din ni BARMM Education Minister Mohagher Iqbal ang mga Muslim na gawing pagkakataon ang Ramadan para sa mas malalim na pagninilay, disiplina, at pagpapalakas ng pananampalataya.
Ani Iqbal, ang Ramadan ay hindi lamang panahon ng pag-aayuno, kundi pagkakataon para sa pagpipigil sa sarili, pagbibigay, at pagpapatibay ng ugnayan sa ‘Allah’. Na isinasabuhay naman ng maraming kapatid nating Muslim tulad ng pagtitiis, at pasasalamat.
Nanawagan si Ebrahim sa lahat na magkaisa, magdasal para sa kapayapaan, at magpakita ng malasakit sa kapwa, lalo na sa mga nangangailangan, bilang bahagi ng tunay na diwa ng Ramadan.