KORONADAL CITY – Ipinasiguro ng iba’t ibang mga grupo na buo ang kanilang suporta sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang pagtiyak ay kasabay nang isasagawang inauguration ngayong hapon kung saan magiging panauhing pandangal si Pangulong Rodrigo Duterte at ang BARMM ay pangungunahan mismo ni MILF chair at Chief Minister Alhaj Murad Ebrahim.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Hairodin Makakalat Jandalani, MILF elder at founder ng Bangsamoro Islamic Martial Arts program, positibo ang kanilang pananaw sa BARMM at nagpapasalamat sila ng malaki kay Ebrahim at Pangulong Duterte.
Ayon kay Jalandani, ito na ang “simula ng masaya at mapayapang Bangsamoro region.”
Kaugnay nito, nananawagan si Jalandani sa mga ayaw sa BARMM na huwag nang magdalawang isip kundi suportahan ang Bangsamoro Organic Law (BOL) dahil hindi lang ito para sa mga Muslim, kundi maging sa mga indigenous people (IP) o Lumad at mga Kristiyano.
Samantala, inaasahan naman na nasa mahigit 5,000 ang dadalo sa inagurasyon hapon kasama na ang ilang mga foreign dignitaries.
Ayon kay PS/Supt. Michael Libanan, hepe ng Cotabato City PNP, maaga pa lang ay ipinatupad na nila ang lockdown sa buong lungsod at rerouting naman para sa mga motorista upang masiguro ang kaligtasan ng mga dadalo sa aktibidad.
Ipinasiguro rin nito ang koordinasyon sa AFP at iba pang security agencies upang maipatupad ng maayos ang inihanda nilang security plan.