Nagdeklara na ng State of Calamity ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao dahil sa masamang epekto ng El Niño phenomenon sa rehiyon.
Sa inilabas na Proclamation No. 002 series 2024 na pinirmahan ng Office of the Chief Minister noong Abril 29, layon umano nitong tulungan ang mga apektado ng tagtuyot at pabilisin ang interventions ng interim government kabilang na ang response operation at recovery efforts.
Nakasaad din dito ang epektibong pag-control sa mga presyo ng basic goods at commodities sa mga apektadong lugar.
Ito rin daw ang magiging tulay para ang mga LGU na sakop ng Bangsamoro ay magamit at makapaglaan ng kaukulang pondo para sa rescue, recovery, at rehabilitation efforts ng bawat bayan.
Hinimok din ng Office of the Chief Minister ang lahat ng concerned agencies, ministries, at offices na sikaping gawin ang lahat ng hakbang para masolusyonan ang nararanasang kalamidad gaya na lamang ng medical assistance at rehabilitation work.
Sakop ng Bangsamoro region ang mga lalawigan ng Basilan, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Sulu, at Tawi-Tawi.
Sa huling tala, mahigit 100 siyudad at munisipalidad na ang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa nararanasang El Nino.