Nasa 1,000 kasapi ng Moro Islamic Liberation Front na nakagawa ng krimen dahil sa kanilang paniniwalang pulitikal ang bibigyan ng amnestiya ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Naguib Sinarimbo, interior minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ito raw ay bahagi ng normalization track ng comprehensive agreement ng rehiyon sa rebeldeng grupo.
Ang proklamasyon din aniyang ito ay paraan para mahimok ang mga bandido na magbalik-loob sa pamahalaan.
Inaalis ng amnestiya ang criminal liability at binabalik ang political rights ng isang indibidwal.
Paglalahad pa ni Sinarimbo, kasama sa mga inaasahang makikinabang sa proklamasyon ang mga miyembro ng central committee at senior members ng MILF.
Ilan din daw sa kanila ay mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), na tumatayong interim government sa rehiyon.
Umaasa naman si SInarimbo na mabilis makukumpleto ang proseso ng amnesty proclamation, na matagal nang naantala.