May ginagawa na umanong hakbang ngayon ang liderato ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para makamit ang inaasam-asam na pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.
Sa isang panayam kay BARMM Chief Minister Ahod “Al-Haj Murad” Ebrahim kaniyang sinabi na kanilang hinihikayat ngayon ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na magbalik loob sa gobyerno nang sa gayon makapamuhay na ng normal.
Sinabi ni Ebrahim ang BIFF ay binubuo ng tatlong break-away groups, subalit dalawa sa mga ito ay bukas sa pakikipagdayalogo sa pamahalaang lokal ng BARMM.
Hindi naman niya tinukoy kung kaninong grupo ng BIFF ang nagnanais na sumuko sa pamahalaan.
Bukod sa teroristang BIFF nakikipag-ugnayan din ang BARMM sa mga miyembro ng teroristang Abu Sayyaf sa probinsiya ng Sulu para magbalik loob sa gobyerno at samahan sila para makamit na ang pangmatagalang kapayapaan.
Inihayag din ng opisyal na ilan sa mga nagpahayag na sumuko ay mayroong kasong criminal na kinakaharap.
Pinalalakas din ng BARMM ang kanilang security structure kung saan kaisa sila sa AFP at PNP para panatilihin ang seguridad sa Mindanao.
Tinututukan din nila ang dahan-dahang reintegration ng mga qualified MILF combatants sa AFP at PNP.
Ipinagmamalaki din ni Ebrahim na bumaba ang insidente ng mga atrocities sa central Mindanao ngayon, pwera na lamang sa ongoing military operation laban sa BIFF, criminal groups at mga drug syndicate na nag-o-operate sa rehiyon.
Siniguro rin ni Ebrahim na suportado nila ang Anti-terrorism Bill ng gobyerno at tutulong sila sa pagpapatupad nito.
Sa ngayon hindi pa niya masabi kung ang nasabing batas ay epektibo sa paglaban sa terorismo.