CENTRAL MINDANAO-Umapela ang Bangsamoro Government sa Commission on Elections o Comelec na payagang makaboto sa local elections ngayong May 2022 ang mga residente ng 63 barangays sa probinsya ng Cotabato na kabilang sa special geographic area o SGA ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay matapos magpalabas ng Resolution Number 21-0953 ang Comelec na tanging national positions lang ang pwedeng iboto ng higit sa 200,000 residente sa lugar.
Sa ginawang pahayag ni Minister Atty. Naguib G. Sinarimbo ng Ministry of Interior and Local Government, ang 63 barangays ay kabilang pa din daw sa North Cotabato kung pagbabasehan ang population, land area, at income kung kaya’t dapat makaboto sila sa kinabibilangang munisipyo at probinsya.
Binigyang diin pa ni Atty. Sinarimbao na pagboto ay karapatan ng bawat rehistradong botante.
Hiniling din ng opisyal na pagaralan pa ang kanilang apela at bigyang konsiderasyon ang karapatan ng mga residente na makaboto sa darating na eleksyon.
Paliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez na dahil naipatupad na ang Bangsamoro Organic Law kung saan napabilang na ang 63 barangays sa Bangsamoro region hindi na ito sakop ng mga dating local government units kaya’t hindi na sila makakaboto sa local positions doon.
Aniya, magkakaroon lang ng local elections sa mga SGA ng BARMM kapag naprubahan na ang local government at electoral code ng Bangsamoro Parliament.
Nakasaad sa resolusyon ng Comelec na pinapayagan lang na makaboto ang mga residente mula sa SGA ng BARMM sa posisyon na President, Vice-President, Senators, at Party-list representatives.
Sa ngayon, wala pang pormal na written appeal ang Bangsamoro government sa ginawang desisyon ng Comelec.