-- Advertisements --

Masayang ibinahagi ni Baron Geisler na 85% nang tapos ang bahay na ipinapagawa niya sa Cebu City. Pagbubunyag ng aktor, ito raw ang first investment niya matapos ang tatlong dekada niya sa showbiz.  

Sa isang panayam, inamin nito na hindi siya masinop sa pera noon. Inalala niya rin ang mga panahong ginagamit niya ang kanyang pera na nakukuha sa pag-arte sa mga ipinagbabawal na gamot. 

NGunit iba na raw ang estado ng buhay niya ngayon dahil sa paggabay ng ilang malalapit sa kanya tulad ng kanyang manager na ipinaunawa sa kanyang dugo’t pawis ang bawat sentimo ng pera kaya dapat umano itong mapunta sa tama. 

Mayroon ng anak si Baron sa asawa nito na pinakasalan niya noong 2019 at ito raw ang naging inspirasyon niya para sa bahay na kanilang ipinatatayo. Nagsisilbing ama na rin si Baron sa naunang dalawang anak ng kanyang asawa. 

Madamdamin din nitong sinabi na ang pagta-trabaho niya ngayon ay hindi na lang para sa kanya kundi para na sa anak niya.