Iginiit ng Department of Energy (DOE) ang pangangailangan na i-maximize ang mga kasalukuyang energy infrastructure sa bansa, lalo na ang mga planta ng kuryente na gumagamit ng coal o uling.
Ito ay upang maiwasan ang pagkakadagdag ng mga bagong pasanin o bayarin ng mga konsyumer at dagdag pabigat sa ekonomiya.
Ayon kay DOE Secretary Raphael Lotilla, sa kasalukuyan ay mayroong 6,320megawatts (MW) ang Pilipinas mula sa mga plantang gumagana na sa sampung taon o mas mababa pa.
Ang mahigit 6,300 MW na ito aniya ay sapat nang makapagbigay ng baseload capacity o minimum at steady na electric power na maaaring magamit ng hanggang 2030.
Ang mga kahalintulad na planta aniya na tumatakbo na sa loob ng sampu hanggang 30 taon ay may capasidad na hanggang 3,400MW at maaari pang asahan ang mga ito ng karagdagang 10 taon.
Batay sa kasalukuyang on-grid capacity contribution, nangunguna pa rin ang coal sa power mix ng bansa na mayroong kapasidad na 12,406MW.
Ito ay katumbas ng 43.9% ng kabuuang 28,291 MW ng kabuuang installed capacity ng Pilipinas hanggang nitong pagtatapos ng 2023.