Inihayag Bangko Sentral ng Pilipinas na ang bilang ng mga basic deposit account (BDA) ay tumaas sa mahigit 20 milyon sa unang tatlong buwan ng 2023.
Ang mga basic deposit account ay tumutukoy sa mga savings account na may interest o non-interest na idinisenyo upang isulong ang financial inclusion na may opening deposit na P100 o mas mababa.
Ipinakilala ng BSP ang basic deposit account noong 2018 upang gawing mas madali para sa mga taong may limitadong access sa mga financial services na magbukas ng isang savings account.
Ang pangunahing savings account ay mayroon ding mga simpleng identification requirements, ito ay ang “no maintaining balance requirement” at “no dormancy charges”.
Ang pinakahuling datos na inilabas ng BSP ay nagpakita na ang mga basic deposit account ay umabot sa 21.9 milyon noong Enero hanggang Marso ngayong taon, mas mataas ng 170% mula sa 8.1 milyong basic deposit account noong unang quarter ng 2022.
Sinabi ng BSP na sa pamamagitan ng basic deposit account, mas maraming Pilipino ang maaaring magbukas ng savings account na kumikita ng interest sa mga piling bangko at insured ng Philippine Deposit Insurance Corporation.