Hindi kailanman magiging dahilan ang pagpapatupad ng Anti-Terrorism Act of 2021 para lumabag sa basic human rights ng mga Pilipino.
Ito ang naging pagtitiyak ng mga abogado ng gobyerno sa naging ika-pitong oral argument ng Supreme Court kaugnay ng 37 petisyon para ideklarang unconstitutional ang ATA.
Sa naging interpellation, kinuwestyon nina Associate Justices Henri Jean Paul Inting at Justice Amy Lazaro-Javier ang mga abogado ng pamahalaan kung magdudulot ng kapahamakan sa mga publiko ang pagpapatupad ng ATA, gayundin din ang posibleng paglabag nito sa Bill of Rights.
Tinanong din ni Justice Inting si Assistant Solicitor General Marissa dela Cruz Galandinez kung naglabas na ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte, kaniyang gabinete at pinuno ng law enforcement agencies kung saan sinisiguro ng mga ito na rerespetuhin nila ang karapatang pantao.
Ayon kay Galandinez, pinangunahan ng Anti-Terrorism Council ang pag-develop at pagkakaroon ng handbook para sa mga pulis at militar. Mayroon din aniyang nagpapatuloy na trainings at workshops para sa mga otoridad.
Dagdag pa nito na naglabas din ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ng primer tungkol sa mga “frequently asked questions” tungkol sa ATA.
Ipinagmalaki rin ng opisyal na sinisimulan na ng gobyerno ang pagpapatupad nito sa national action plan sa pag-iwas at pagsugpo sa extremism.
Sa kabilang banda, tinanong naman ni Justice Javier si Assistant Solicitor General Raymund Rigodon kung ano ang tugon nito sa nararamdamang takot ng mga petitioners at ilang dating miyembro ng SC hinggil sa posibilidad na may mangyaring paglabag sa human rights dahil sa ATA.
Sagot ni Rigodon, “speculative” umano ang mga ganitong uri ng pahayag at tiniyak nito sa Korte Suprema na ang posibilidad ng pang-aabuso ay hindi basehan para i-invalidate ang batas.
“Is that enough? Enough to allay the fears, the apprehensions, the suspicion and repugnance of the public toward ATA? Is lip-service enough?” dagdag na tanong ni Justice Javier.
“The ATA tasks the law enforcement officers and military personnel to ascertain intent based on nature and context. But one law enforcer’s reading of nature and context may differ from one another,” pagbibigay-diin ng hukom.
“Without any definite criteria or guide on how to read nature and context, law enforcers may have different ideas as to what constitute terrorism. So what has the government done to ensure that the members of the police and the military will not have varying interpretations and understanding of the ATA,” wika pa nito.