Pinaiimbestigahan na ni PNP chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang nangyaring jailbreak sa Basilan Provincial Jail kung saan walong inmates ang nakatakas subalit isa ang nasawi habang tinutugis ito kahapon.
Ayon kay Cascolan, hinihintay pa niya ang report mula sa Basilan PNP hinggil sa insidente, pero tuloy-tuloy pa rin ang manhunt operations laban sa pitong preso na pinangunahan umano ng isang ASG sub-leader.
Pinakikilos na rin ni Cascolan ang hepe ng DIPO-Western Mindanao para i-mobilize ang mga miyembro ng PNP Mobile Force para tumulong sa pagtugis sa pitong bilanggo na at-large pa rin hanggang sa ngayon.
“As of now I haven’t received the progress report as of yesterday, walo ata yung nakatakas, were hoping that we would get them immediately, yun yung kung bakit umiikot tayo tinitignan natin ang lahat ng mga amenities at lahat ng mga istasyon natin, how would be able to deal with prisoners, okay ba yung istasyon natin hindi ba malayo that’s why we are pushing out our DIPOs so that they would be able to supervise properly all this mobile forces, but we the help of the Armed Forces of the Philippines (AFP) we have hot pursuit right now,” pahayag pa ni Gen. Cascolan.
Sa report ng PNP Region 9, nakilala ang nasawing preso na si Torotoy Abbas na may kasong criminal.
Si Abbas ay napatay ng mga otoridad sa may bahagi ng Purok Gumamela, Barangay Sumagdang habang papatakas ito.
Nakilala naman ang iba pang mga tumakas na inmates ay sina Battuh Kusain, Gappal Saripada, Hernie Asao, Nurhasan Lahaman na umano’y ASG sub-leader, Albaser Ahmad, Mahad Hassan at Kaliji Hajirul.
Sa nasabing jailbreak, binaril patay ng mga tumakas ang jailguard na si JO3 Asbi Florencio Salih.
Nagsanib pwersa na ngayon ang PNP at AFP sa nasabing probinsiya para tugisin ang mga pugante.