Nababahala si Basilan Rep. Mujiv Hataman kaugnay sa lumalabas sa social media na mga taong sumusuporta kay Dr. Chao Tiao Yumol, ang namaril sa Ateneo de Manila University sa Quezon City kamakailan na ikinamatay ng tatlong katao kabilang si dating Lamitan City Mayor Rose Furigay.
Sa kanyang priviledge speech, sinabi ni Hataman na ang social media ay napuno ng haka-haka at espekulasyon matapos ang insidente.
Aniya, kung babasahin ang social media partikular ang comment section ng mga post tungkol kay Yumol ay maraming makikitang nakakabahalang pahayag, na tila suportado pa ang doktor.
Tanong ni Hataman, kailan pa naging tama na pumatay? Kailan din aniya naging tama na purihin at ilagay sa pedestal ang taong kumitil ng mga buhay at nandamay ng mga inosente gaya ng gwardya na si Jeneven Bandiala.
Ayon sa mambabatas, ang lubha pa niyang ikinababahala ay ang kultura ng paglaganap ng karahasan sa lipunan.
Giit niya, hindi nakakatulong na ginagawa pang “bayani” ang pumapatay ng mga tao, lalo na kung inosente ang mga biktima.
Nilinaw naman ni Hataman na hindi niya kailanman isusulong ang panukalang lalapastangan sa kalayaan ng pagpapahayag ng saloobin.
Pero papaano na lamang aniya kung ang saloobin ay pagsuporta o nang-eengganyo na gumawa ng krimen?
Sa kabila nito, sinabi ni Hataman na kailangang matugunan ang mga isyu sa social media, at kung papaano mapapangalagaan ang mga tao lalo na ang mga kabataan laban sa immoral at ilegal na paniniwala.