-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman ang insidente ng pagsabog kaninang umaga sa loob ng Dimaporo Gymnasium ng Mindanao State University, Marawi campus kung saan tatlong indibidwal ang nasawi habang mahigit isang dosena ang sugatan.

Ayon kay Hataman ang insidente ay isang aksiyon ng terorismo.

” This is plain and simple terrorism. Wala na tayong ibang salita para ilarawan ang karahasan na ginawa sa mga estudyanteng payapang nagdadaos ng misa kanina, isang malayang pagpapahayag ng kanilang relihiyon,” pahayag ni Hataman.

Sinabi ng mambabatas na dapat managot ang mga responsable sa pamomomba dahil walang lugar sa sibilisadong lipunan ang karahasan.

Nagpa-abot naman ng pakikiramay si Hataman sa mga pamilya ng mga naging biktima.

Aniya, hindi dapat maging target ng karahasan ang mga inosenteng kabataan at lalong hindi battle zone ang paaralan.

Nanawagan naman si Hataman sa mga otoridad na imbestigahan ng malaliman ang insidente, dapat matukoy ang mga nasa likod ng pamomomba.

Siniguro naman ng Kongresista na kaniyang subaybayan ang kaso ng sa gayon makamit ang hustisya ng mga biktima at ng kanilang mga pamilya.