CEBU CITY – Pansamatalang isasara sa publiko ang tinaguriang Basilica Minore del Sto. Niño ng Cebu simula ngayong araw.
Kasunod ito ng ipinalabas na kautusan ng City Government malagay na rin sila sa enhanced community quarantine dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Ayon sa rector Sto. Niño Church na si Fr. Pacifico “Jun” Nohara Jr., mula pa naman noong sinuspinde ng Archdiocese of Cebu ang lahat ng aktibidad sa simbahan pati na ang mga misa ay wala na umanong taong dumadarayo roon.
Kahit na ikinalungkot ng rector ang sitwasyon, tinanggap ito ni Nohara upang manatili na lang din sa kani-kanilang mga bahay ang mga Katoliko at makaiwas sa nakakamatay na virus.
Ngunit nilinaw naman nito na patuloy pa rin ang kanilang pa-broadcast via Facebook live streaming sa kanilang misa kada Linggo.
Ngayong araw naman kaugnay ng pagsara ng simbahan, ang venue ng Sto. Niño ang gagamitin para sa pagawa ng mga personal protective equipment para sa mga frontliners.
Ipinaalam din ng rector na sarado muna ang Basilica “until further notice.”