Iginawad ni US President Donald Trump sa 91-year-old basketball legend na si Bob Cousy ang Presidential Medal of Freedom sa White House nitong Huwebes (Biyernes, Manila time).
Si Cousy ang isa sa naging mga mukha ng Boston Celtics mula 1950 hanggang 1963 kung saan nagwagi ito ng anim na NBA title at ang 1957 MVP title.
Maliban sa miyembro ito ng Naismith Memorial Basketball Hall of Fame, naging mahalaga rin ang papel ni Cousy sa pagkakatatag ng NBA Player’s Association.
Pinuri ni Trump ang “very unique talent” ni Cousy kasabay ng kanyang pagpresinta sa pinakamataas na parangal na ibinibigay sa mga mamamayan ng bansa.
“Throughout his long career Bob was a voice against racism,” wika ni Trump, dahilan para mapaluha si Cousy. “That’s why you shouldn’t invite old men to the White House. They get emotional.”
Tinawag naman ni Cousy si Trump bilang “the most extraordinary president in my lifetime.”
Ito na ang ikapitong imbitasyong natanggap ni Cousy sa White House kung saan ang unang pagkakataon ay nangyari noong 1954 sa panahon ni Dwight Eisenhower.