-- Advertisements --

Nag-post sina Sebastian “Baste” Duterte at Veronica “Kitty” Duterte sa kanilang social media sa naging pag-aresto sa kanilang ama na si dating pangulo Rodrigo Duterte. Mula pa lamang sa Ninoy Aquino International Airport papuntang Villamor Airbase kasama ni Duterte ang kanyang pamilya.

Ayon sa post ni Kitty Duterte, ang ginawa sa kanyang ama ay ‘illegal detention’ dahil wala umanong inihain na warrant of arrest sa kanya bago arestuhin sa airport. Nakita rin sa social media post ni Kitty ang naging pagpapaliwanag ng kanyang ama kung bakit siya inaresto gayong wala naman itong basehan. Kasunod nito ang litratong kinukuhanan ng blood pressure si Duterte.

Matatandaan na dinala si Duterte sa Villamor Air Base at doon binasahan ng Miranda Rights ni CIDG Director Nicolas Torre.

Samantala, si Baste Duterte rin ay nagpahayag din sa kanyang social media na walang hurisdiksyon sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) kaya hindi valid ang arrest warrant na inihain. Dagdag pa niya na ginagamit lamang nila si Gen. Torre para i-legal na i-detain at pagbawalan sa atensyong medikal ang kanyang ama.

Naniniwala siya na ginagawa ito ng kasalukuyang administrasyon para mawala ang atensyon ng publiko sa national budget.