DAVAO CITY – Inihayag ni Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte na kahit siya ay nabigla rin sa naging desisyon ng kanyang kapatid na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na i-withdraw ang Certificate of Candidacy (COC) nito sa Mayoralty race sa susunod na taon.
Ayon kay Baste na bigla na lamang umano siyang binigyan ng instruction ni Mayor Inday na i-withdraw rin ang kanyang COC sa pagka-Bise Mayor at ito na ang tatakbo bilang alkalde ng lungsod sa eleksiyon sa susunod na taon.
Sinabi rin ng Bise Alkalde na alam na rin ng kanilang buong pamilya ang desisyon ni Mayor Inday ngunit ang hindi pa nila alam kung tatakbo ba ito sa mas mataas na posisyon o mananatili na lamang na ordinaryong mamamayan.
Dagdag pa ng opisyal, bilang nasa iisang partido lamang kasama ang kanyang kapatid na si Mayor Inday, kailangan umano nitong mag-function dahilan na kung ano man ang ikakabuti ng partido kailangan nilang mag-desisyon kung may ipapatupad na pagbabago.
Sakali aniya na may pagbabago pa sa susunod na mga araw o bago ang deadline sa Nobyembre 15, 2021, kailangan lamang umano na maghintay.
Kahapon lamang ng manumpa si Baste bilang miyembro ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) mula sa local party nitong Hugpong sa Tawong Lungsod kasabay ng paghain ng kanyang COC bilang substitute kay Mayor Inday sa Mayoralty race.