DAVAO CITY – Boluntaryong sumailalim si Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa 14 araw na self-quarantine matapos umano itong makaranas ng sintomas ng coronavirus disease (COVID-19) tatlong linggo matapos itong bumisita sa Metro Manila.
Ito mismo ang kinumpirma ng kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Ayon kay Mayor Inday, sa kasalukuyan ay naka-isolate si Baste matapos itong makaranas ng sore throat, ubo, at lagnat.
Kinonsidera rin umano nito ang kanyang sarili na person under monitoring (PUM).
Batay sa Department of Health (DOH), ang PUM ay ang mga indibidwal na may travel history sa mga bansa o mga areas na may nakumpirmang kaso ng COVID-19 ngunit hindi nagpakita ng senyales o sintomas ng sakit.
Samantala, kahit umano nagpakita ng mga sintomas ang bise mayor, hindi ito pinayuhan na sumailalim sa eksaminasyon dahil tatlong linggo na ang nakaraan nang pumunta ito ng Maynila o sobra na sa 14-day incubation period ng coronavirus.