VIGAN CITY – Taunan nang isasagawa sa isang bayan sa lalawigan ng Ilocos Sur, partikular na sa Sta. Maria ang “Basu-Rice” program tuwing sasapit ang panahon ng Undas kung saan tiyak na maraming basurang nagkalat sa mga sementeryo.
Ipinaliwanag sa Bombo Radyo Vigan ni Mayor Boy Camarillo na unang naisagawa ang nasabing programa noong nakaraang taon kung saan maganda ang naging resulta nito kaya ngayong taon at sa mga susunod pang taon ng kaniyang termino ay isasagawa na nila ito.
Sa nasabing programa, ang mga basurang mapupulot ng mga residente na bibisita sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay ay ipapalit sa isang supot ng bigas, depende kung gaano karami ang mga basurang kanilang mapupulot.
Layunin ng nasabing programa na panatilihing malinis ang sementeryo sa nasabing bayan at maturuan ang mga residente na maging malinis sa kapaligiran.