-- Advertisements --
SBMA video

Tumulak na nitong Biyernes ng umaga mula sa Subic, Zambales, ang MV Bavaria na naglalaman ng 69 na container vans ng mga basura ng Canada at iba pang kargamento.

Ayon kay Environment Usec. Benny Antiporda, bandang alas-3:00 ng madaling araw na nang matapos ang pagkakarga ng tone-toneladang Canadian waste.

Maliban sa mga ito, marami pang karga ang barko kaya bahagyang naantala sa dapat sana ay natapos na loading nang hatinggabi.

Bukas ay inaasahang nasa Kaohsiung, Taiwan na ito para ilipat sa mother vessel, bago didiretso sa Canada.

Inamin naman ni Antiporda na matinding pressure ang dinaanan nila para lamang makompleto ang proseso sa loob ng buwang ito ng Mayo.

Samantala, malabo pa namang maisunod sa shipment na ito ang iba pang naipasok na basura sa Pilipinas.

Ang Australian waste kasi ay pinagtatalunan pa kung basura nga ba ito o engineered fuel, habang ang nagmula sa Hong Kong ay dadaan pa sa pagsasampa ng kaso laban sa mga nag-import nito.