Ibinunyag ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na ang debris mula sa malawakang pagbaha sa kanilang lugar dulot ng Bagyong Ulysses ay katumbas ng isa’t kalahating taong tambak na basura na nakokolekta sa lungsod.
Ayon kay Teodoro, naalis na raw nila ang halos kalahati ng mga debris at umaasa silang matatapos nila ito pagsapit ng katapusan ng buwan.
Sinabi ni Teodoro na patuloy pa rin ang clearing operations ng mga lokal na opisyal sa mga major at secondary roads sa siyudad.
Kasabay nito, muling inulit ng alkalde ang kanyang panawagan para sa rehabilitasyon ng Marikina Watershed, na maaaring makatulong para mabawasan ang baha sa mga lugar gaya ng Marikina.
Sa ilalim ng Proclamation 296 na inisyu noong 2001, idineklara bilang protected area ang Upper Marikina River Basin Protected Landscape sa Rizal, ngunit hindi pa rin natigil ang ilang iligal na gawain gaya ng illegal logging at quarrying.
Maliban dito, umapela rin si Teodoro na magkaroon ng isang national land use plan na magre-regulate sa conversion ng agricultural at reserve forest bilang mga residential subdivision.