-- Advertisements --

Kinumpirma ng environmental group na EcoWaste Coalition na nagkaroon ngayon ng pagbaba sa bilang ng mga basurang itinatapon sa Manila Bay.

Batay sa inilabas na datos ng 2024 Marine Litter Monitoring Survey Report ng EcoWaste Coalition katuwang ang De La Salle University-Dasmariñas research team, aabot sa 36% ang ibinaba sa dami ng basura na itinatapon sa naturang karagatan.

Mula naman noong 2023 hanggang 2024, aabot sa 42% ang kabawasan na naitala sa kabuuang timbang ng mga basurang nakokolekta dito.

Sa isang pahayag ay sinabi ni EcoWaste Coaltion Project Officer ng Enhancement of Marine Litter Management Project Wes Lipana, ang survey ay isinagawa mula sa 10 project sites sa Cavite, Metro Manila at lalawigan ng Bataan.

Samantala, nangunguna pa rin ang plastic na katumbas ng 91% sa mga basurang nakolekta sa Manila Bay.

Tumataas rin aniya ang bilang ng mga basurang nakukuha sa nasabing karagatan kapag wet months kumpara sa dry season.