Bata umano ang isa sa dalawang bombers na ginamit ng ISIS-inspired terrorist group na Abu Sayyaf nang salakayin nito ang kampo ng 1st Brigade Combat Team sa Brgy. Tanjung, Indanan, Sulu noong Biyernes.
Ito ay batay sa assessment na isinagawa ni WestMinCom Commander, M/Gen. Cirilito Sobejana.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana, ginawa rin daw nilang basehan ang circumstances na kanilang na-establish sa pinangyarihan ng pagsabog.
Sa ngayon ay kanila pang tinutukoy ang pagkakakilanlan at nasyonalidad ng nasabing bata.
Siniguro naman ni Sobejana na may mga defense posture na silang ipinatupad nang sa gayon hindi na maulit pa ang umano’y suicide bombing.
Inaalam na rin ng militar kung ang bata ay anak ng Moroccan na nagpasabog sa Lamitan, Basilan.
“‘Yun na yung sumabog, sumabog ang kaniyang katawan at yung nakita lang namin na buo ay yung kaniyang paa, kaya ginagamit nila itong bata sa kanilang terroristic activities wala na talagang puso at kaluluwa,” wika ni Sobejana.
Sa kabilang dako, ayon naman kay PNP chief P/Gen. Oscar Albayalde, wala pang kumpirmasyon na ang bata ay anak ng Moroccan bomber.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng PNP-Scene of the Crime Operatives (SOCO) ukol dito para mabatid ang nationality ng dalawang bombers.
Nagpatupad na rin ang PNP ng security adjustment sa mga kampo para maiwasan ang kahalintulad na pag-atake sa kampo sa Indanan.
“Hindi pa confirmed yun na anak yan ng Moroccan. In fact hindi pa kasi siya identified kung anak siya talaga nung Moroccan na yun o hindi,” ani Albayalde.