-- Advertisements --

GENERAL SANTOS – Binawian na ng buhay kaninang alas 3:00 ng madaling araw ang isang 9 taong gulang na bata na binugbog at hinambalos ng sarili nitong ama.

Ito ang kinumpirma ni Police Major Wesley Matillano, Chief of Police ng Fatima Police Station.

Habang labis naman ang kalungkutan ng ina ng bata na mula pa sa Metro Manila dahil bibiyahe sana ito ng Middle East upang magtrabaho ngunit bumalik dahil sa sinapit ng anak.

Ayon rito, nagsisisi siya dahil iniwan ang kanyang ang anak kasama ang tatlo pa nitong kapatid.

Hindi naman matanggap ng lola ng bata na si Elvira Tubilid ang nangyari dahil isang mabait at matalinong bata ang kanyang apo.
Emosyunal nitong sinabi na dapat na makulong at pagdusahan ng suspek na si Roy Canlaon Jr. ang kanyang ginawa na nagresulta sa pagkamatay ng sarili nitong anak.

Sa ngayon ay nakakulong ang suspek at nahaharap na sa kaso.

Nangyari ang insidente sa mismong kaarawan ng suspek kung saan lasing ito at nagalit nang hindi sinunod ng anak sa iniutos nito kayat kanyang paulit-ulit na sinaktan at saka hinambalos ang anak.