-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nanatiling walang malay ang isang taong gulang na batang babae matapos na hit-and-run ng isang kotse sa Barangay Pias Sur, Currimao, Ilocos Norte.

Kinilala ni Police Capt. Michael Permison, ang chief of police sa bayan ng Currimao, ang biktima na si Trisha Mae Estavillo.

Ayon kay Permison, tumawid ang lola ng biktima sa kalsada at hindi napansin na sumunod pala sa kanya ang kanyang apo.

Nabatid na nag-overtake daw ang isang puting kotse sa mga tumigil na sasakyan nang tumawid ang lola ng biktima kaya nahagip ang bata.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang isang taong gulang na biktima.

Sinabi ni Permison na posibleng inakala ng driver na aso ang nabangga nito kaya hindi na ito huminto pa para tingnan ang kanyang nabangga.

Gayunman, dinala ang bata sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac subalit wala pa rin itong malay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring insidente.