-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng dalawang taong gulang na batang lalaki matapos aksidente umanong mapasok sa loob ng kalderong may kumukulong sabaw ng Batchoy sa Barangay Pantalan, Carles, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lt. Col. Arnel Solis, spokesperson ng Police Regional Office 6, sinabi nito na naglalaro umano ang bata bago ang insidente.

Aniya, inilapag ng ina ng bata ang kaldero sa lupa dahil may iba pa itong lulutuing mga pagkain. 

Ngunit hindi umano namalayan ng ina na napunta na ang kanyang anak malapit sa malaking kaldero at aksidenteng napasok dito.

Kaagad na dinala sa ospital ang biktima na nagtamo ng fourth degree burn.

Sa kasamaang palad, binawian ng buhay ang bata habang ginagamot sa ospital.

Nagpaalala naman si Solis sa mga magulang na bantayan ng mabuti ang kanilang mga anak upang makaiwas sa aksidente.