-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Patay ang isang menor de edad matapos makuryente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ursula sa Eastern Visayas.

Ayon kay Police Maj. Joselito Villas ng Leyte Police Provincial Office (LPPO) kinilala ang biktima na si Alwin Superales, pitong taong gulang at residente ng Sitio Ilayat, Brgy. Pangasugan, Baybay, Leyte.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, dahil sa malakas na ulan at hangin na dulot ng bagyong Ursula, pauwi na sana ang nasabing biktima nang makuryente ito sa daan malapit sa kanilang bahay.

Samantala, nananatililng impassable naman ang ilang mga kalsada sa probinsya ng Leyte partikular na sa Julita, Tabon-Tabon, Tanauan, Palo at iba pa.

Nagkaroon rin ng mga pagbaha sa Sta. Fe at Tanauan Leyte at nananatili sa mga evacuation centers ang libo-libong mga pamilya.