NAGA CITY – Binawian ng buhay ang isang batang lalaki matapos na makuryente sa Nabua, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na isang siyam na taong gulang, residente ng Brgy. Inapatan sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. MArlon Gallarte, tagapagsalita ng Nabua Municipal Police Station (MPS), sinabi nito na nakatanggap na lamang sila ng ulat hinggil sa insidente kung saan agad naman umano silang nagresponde.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na habang naglalakad ang biktima sa may kalsada ng makita nito ang nakalaylay na wire ng Camarines Sur Electric Cooperative III kung saan hinawakan umano ito ng bata na naging dahilan ng kaniyang pagkakakuryente.
Hindi rin umano alam ng nasabing biktima na isa pala itong live wire.
Agad namang dinala sa ospital ang bata ngunit idineklara na itong dead on arrival ng mga doktor.
Ayon pa kay Gallarte, posible umanong hindi kinaya ng katawan ng bata ang impact o lakas ng kuryenteng dumaloy sa kaniyang katawan kaya nagresulta sa kaniyang pagkamatay.
Dagdag pa nito na dapat umanong mahigpit bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak.
Kaugnay din nito, nanawagan si Gallarte sa publiko na huwag basta-basta humawak sa mga ganitong bagay lalo na kung nakasabit o nakalaylay na wire para hindi malagay sa panganib ang buhay.