CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay sa pagamutan ang isang bata matapos na sakmalin ng aso sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si Renz Santerva Descalsota na residente ng Barangay Taguranao, Matalam, Cotabato.
Ayon kay Rutchel Santerva, bibili lang sana ang kanyang pamangkin sa isang tindahan na ‘di kalayuan sa kanilang bahay ng sakmalin ito ng asong ulol.
Naisugod pa ang biktima sa pagamutan ngunit binawian rin ng buhay dahil sa rabies ng aso.
Sinabi ng mga doktor o mga veterinarian kapag ang isang tao daw ay namatay sa kagat ng aso, otomatikong makokonsidera itong rabies outbreak kung saan kailangang i-contact trace ang mga nakahalubilo ng namatay na pasyente upang maturukan ng anti-rabies at sumailalim sa self-monitoring.
Lahat din ng mga pasok sa 5-kilometer radius mula sa ground zero ay dapat mabigyan ng anti-rabies vaccine.
Kasama ang mga aso sa mga kailangang mabakunahan.
Iminumungkahi naman ng eksperto na agad mailibing ang napatay dahil sa rabies.
Samantala nagpaabot naman ng tulong si Matalam Vice Mayor Ralph Ryan Rafael sa pamilya ni Renz.
Habang sinagot naman ni Governor Emmylou Taliño-Mendoza ang gastos para sa kabaong ng bata.