Namatay sa sunog ang 6-anyos na lalaki, matapos tupukin ng apoy ang isang residential area sa Barangay Cupang, Antipolo City, Sabado ng gabi.
Umabot sa ikalawang alarma ang apoy sa naturang lugar bandang 9:30 PM, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Naiwang mag-isang natutulog ang bata nang magsimula ang pagliyab base sa imbestigasyon.
Sinubukan pang pasukin ng magulang ang bahay para sagipin ang naiwang anak, ngunit nilamon na ng malaking apoy ang loob ng bahay.
Naiwang kandila ang tinitignang sanhi ng insidente, dahil walang umanong kuryente ang bahay na pinag-ugatan ng sunog.
Dinala sa East Avenue Hospital sa Quezon City ang ina ng pumanaw na bata, matapos mahulog sa hagdanan nang subukang sagipin ang anak.
Naapula ng mga bumbero ang sunog, bandang 11:01 PM.
Aabot sa 40 na kabahayan ang tinupok ng apoy, habang 50 na pamilya ang tila magdaraos ng Pasko nang walang tirahan.
Tinatayang nasa P750,000 ang property damage base sa huling tala.
Pansamantalang naka-evacuate sa covered court ng barangay ang mga indibidwal na apektado ng sunog.
Photo courtesy from Mayor Casimiro Ynares III official social media page.