-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Nananatili ngayon sa Regional Evacuation Center sa Barangay San Jose, Koronadal City ang higit 60 pamilya na lumikas dahil sa baha at landslide dulot ng walang humpay na pagbuhos ng malakas na ulan.

Ito ang inihayag ni Barangay Chairman Danilo Simtim ng Brgy. San Jose, Koronadal City sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Simtim, kabilang sa nasabing mga biktima ang anim na pamilya mula sa Purok Upper Kadidang na kinabibilangan ng dalawang totally damaged dahil sa landslide habang 11 naman ang binaha sa Purok Riverside ng barangay.

Agad naman na nagtulungan ang mga residente upang mailigtas ang kanilang mga kapitbahay na apektado at natrap sa nasabing pagbaha.

Napag-alaman na mayroon ring naitalang sugatan na isang bata dahil na-trap sa baha.

Samantala, inihayag naman ni City Disaster Risk Reductoon and Management Officer Cyrus Urbano na maliban sa Brgy. San Jose , apektado rin ang Brgy. Sto, Nino, Brgy. San Isidro at nakaranas din ng malalim na pagbaha ang national highway ng lungsod dahil sa malakas na ulan kagabi.

Sa ngayon, patuloy ang monitoring ng CDRRMO, sa tulong na rin ng mga barangay officials lalo na sa mga apektadong lugar.

Nagbigay na rin ng paunang tulong ang LGU Koronadal sa mga apektadong residente.