Nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Bataan sa publiko para sa donasyong buhok at mga dayami para magamit sa pagkontrol sa oil spill dala ng lumubog na Terra Nova.
Ang mga ito ay gagawin bilang oil spill boom na inaasahang pipigil sa pagkalat ng tumagas na langis.
Panawagan ng provincial government sa mga barber shop at mga parlor shop na ipunin ang mga buhok na ginugupit at ipamigay na lamang sa Bataan.
Maliban sa mga buhok, nananawagan din ang LGU ng mga dayami at mga pinagbalatan ng niyog para isama sa gagawing oil spill boom.
Ayon sa LGU Bataan, ang bawat donasyon ay makakatulong upang agad matugunan ang lumalalang oil spill.
Kasabay nito ay umaapela rin ang provincial government sa mga residente ng mga coastal communities na makipagtulungan sa pagsasagawa ng cleanup drive.
Nangako rin ang provincial government na tutulong ang mga LGU sa mga apektadong komunidad, kabilang dito ang pagbibigay ng financial assistance at alternatibong mga pagkakakitaan.