Tiniyak ng provincial government ng Bataan na hahabulin nito ang may-ari ng lumubog na tanker na MT Terra Nova para panagutin sa pinsalang dulot ng tumagas na langis sa mga maritime resources nito.
Ayon kay Bataan Provincial Risk Reduction and Management Office head Arvin Catipon, manghihingi ang probinysa ng kompensasyon para sa mga pangingisdang naapektuhan ang kanilang kabuhayan.
Maliban dito, ay kailangan din ng compensation para sa probinsya ng Bataan na labis na nagambala dahil sa tumagas na langis.
Sa kasalukuyan ay wala pang aktwal na halaga ng hihingin na compensation ngunit ayon kay Catipon, nagpapatuloy na ang ginagawang assessment, validation, at pagtaya ng probinsiya ukol sa danyos na hihingin sa may-ari ng lumubog na tangker.
Una nang inorganisa ng probinsya ng Bataan ang mga volunteer, experto, at mga empleyado nito at ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan upang gumawa ng maraming spill boom na magagamit sa pagkontrol sa tumagas na langis.
Ang mga ito ay nagsagawa rin ng donation drive para makalikom ng maraming materyales na magagamit sa ginagawang spill boom tulad ng mga buhok, balat ng niyog, etc.