-- Advertisements --

Magpapadala ng isang batalyon ng Special Action Force (SAF) troopers ang Philippine National Police (PNP) sa Cotabato City bilang dagdag na puwersa para sa nalalapit na plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, magsisilbing augmentation force ang nasa 400 hanggang 500 SAF troopers sa mga pulis na nakadestino na sa lugar.

Ang pagpapadala ng PNP ng isang batalyong SAF troopers ay para mapanatili ang peace and order partikular sa Cotabato na tinukoy na “hotspot” o critical area dahil sa intense political rivalry.

Isang send-off ceremony ang gaganapin sa Enero 18 para sa ide-deploy na isang batalyon ng SAF troopers.

Magsisilbi namang standby force ang puwersa ng mga regional mobile force battalion na naka deploy dito sa Luzon sakaling kakailanganin pa ng dagdag na pwersa na ipapadala sa Mindanao.

Nagpulong na rin ang security cluster ng PNP at AFP at kanila ng naplantsa ang ipapatupad na seguridad.

Bukod sa Cotabato, kanila ring tinututukan ang ilang lugar sa Lanao na mga critical areas.

Umaasa naman si Albayalde na magiging maayos at mapayapa ang plebisito gayong maraming mga Muslim ang sumusuporta sa BOL.