TUGUEGARAO CITY – Nakatakdang ideklara ang state of calamity sa Itbayat, Batanes.
Sinabi ni Governor Marilou Cayco na sa ngayon ay hinihintay nila ang iba pang dokumento para tuluyang ideklara ang state of calamity sa buong lalawigan para sa mas mabilis na aksyon at paglalaan ng pondo dahil sa matinding pinsala na iniwan ng mga serye ng pagyanig.
Ayon sa gobernador, kailangan ng total rehabilitation sa bayan ng Itbayat.
Batay aniya sa pagtaya ng Department of Public Works and Highways, aabot sa bilyong halaga ng mga pinsala ang mga nasirang bahay at mga gusali sa Itbayat.
Katunayan, nananatili sa plaza ang mga residente ng Itbayat gamit ang mga tent dahil hindi pa sila pinapayagan na makauwi sa kanilang mga bahay dahil hindi umano ligtas bunsod ng mga aftershocks.
Ayon pa kay Cayco, pumasok naman ang mga empleyado ng munisipyo ng Itbayat subalit sa labas na sila nagtatrabaho.
Maging ang mga pasyente sa nabanggit na bayan ay nasa labas pa rin ng ospital.